Nakatakdang makipagpulong ang isang grupo mula Federation Internationale des Volleyball o FIVB, ang world governing body sa larong volleyball, sa Philippine Olympic Committee (POC) para tuluyang maresolbahan at mailehitimo ang liderato sa sports.
Ito ang iniutos ng FIVB General Assembly sa pagtatapos ng ginanap nitong 36th World Congress sa Cancun, Mexico noong Nobyembre 15 at 16 kung saan hindi nito kinilala ang liderato ng Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. (LVPI) at gayundin ang dating asosasyon na Philippine Volleyball Federation (PVF).
Ibinunyag ng isang mataas na opisyal na source ng Abante Tonite ang desisyon ng FIVB Executive Board makalipas ang dalawang araw na pagpupulong kung saan nais ng FIVB na mabatid ang lahat ng katotohanan sa nagaganap na pag-aagawan sa liderato ng volleyball sa bansa.
“The FIVB Legal Department will be sending a team to meet with the officials of the national federation, which is the Philippine Olympic Committee (POC), to thresh out the problems in the sports of volleyball in the Philippines,” sabi ng opisyal.