Floating market, inirampa na sa Pampanga

Gumagana na ngayon ang floating market sa ilang coastal towns sa Pampanga.

Nakalutang na ngayon sa ilog sa bayan ng Apalit ang isang lantsa malapit sa mga Barangay Capalangan.

Naka-face mask at gloves ang mga tindero’t tindera maging ang mga mamimili kung saan nakalatag ang mga panindang sariwang mga isda, gulay, baboy at manok.

Para di mag-overload ay 10-10 lang muna ang pinapayagang rumampa at mahigpit ding ipinatutupad ang physical distancing.

Bukod sa nasabing lugar ay isinusulong na rin ang floating market sa ibang coastal towns sa kahabaan ng Pampanga River.

Inisyatiba ito ng kanilang munisipyo at paraan para di na dumayo pa sa ibang baryo at bayan ang mga mamimiling residente at tuluyan nang makontrol ang pagkalat ng COVID-19.