Flood control scam

Umiinit ang bakbakan ng Kongreso at Malakanyang. Matapos gisahin si DBM Sec. Diokno ng tag team nina Minority Leader Danny Suarez at Majority Leader Nonoy Andaya kaugnay sa mga “insertion” sa 2019 budget, nagpasa ang Kamara kinabukasan ng resolusyong nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin sa puwesto ang kalihim ng DBM.

Malinaw na ang pakay ng kampo ni Speaker Arroyo – walang iba kundi ang ulo ni Diokno.

Agad namang rumesbak ang Ma­lakanyang. Sumulat ang ilang opisyal ng Kabinete sa Pangulo upang kondenahin ang “pagdisrespeto” ng Kongreso kay Diok­no at itakwil ang umano’y walang batayang alegasyon ng katiwalian laban sa kanya. Ayon kay Pre­sidential Spokesperson Panelo, nananatili ang tiwala ng Pangulo kay Diokno.

Kung ating babalikan, pinangunahan ni Andaya ang pag­lantad sa anomalya kaugnay ng “flood mitigation projects” sa pambansang budget. Ayon sa kanya, mula P79 bilyon noong 2017, lumobo sa P133 bilyon nitong 2018 ang pondo para sa ganitong tipo ng proyekto sa budget ng DPWH. Hindi umano DPWH ang pinagmulan ng mga proyekto, bagkus isinuksok ni Diokno nang isumite sa DBM ang budget ng DPWH. Sa Question Hour sa Kongreso, napaamin ni Andaya si Diokno na mayroong P75 bilyon na “insertions” sa budget ng DPWH para sa 2019.

Nilantad din ni Andaya na mga kamag-anak umano ni Diokno ang nasa likod ng dalawang kontratista – Aremar Construction Corp. at CT Leoncio Construction and Trading, na nakakopo ng mga flood control project na nagkakahalaga ng bil­yones sa Sorsogon, Catanduanes, at iba pang probinsya sa buong kapuluan. At hindi na lamang si Diokno ang pinupuntirya ni Andaya. May isa umanong dating “Cabinet member” na tatakbo sa dara­ting na eleksyon na “nagparada” ng flood mitigation projects na nagkakahalagang P300 milyon sa isang bayan sa Bicol.

Kung may fertilizer fund scam noong panahon ni dating Pang. Arroyo, tila nais ipakita ni Andaya na may higit na malaking “flood control scam” na nagaganap sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Nagtakda si Andaya ng public hearing sa Enero 3 sa Naga City. Ayon kay Diokno, pinagbawalan siya ng Pangulo na lumahok – bagay na maaring humantong sa ­constitutional crisis kung magmamatigas ang magkabilang panig.

Abangan ang susunod na kabanata sa teleserye ng alitang Rody at Gloria. Sino ang unang kukurap? Isang bagay ang malinaw: hindi masaya ang lahat sa hatian ng biyaya sa ilalim ni Mayor. Kung kaya nagmula, hindi sa mga usual suspect, kundi sa mga tinaguriang alyado, ang pagsiwalat ng maaaring pinakamalaking iskandalo ng katiwalian ng administrasyong Duterte.