Kumapit kay Jeron Teng sa home stretch ang Flying V para biguin ang Perpetual, 74-66, kahapon sa FilOil Flying V Preseason Premier Cup sa San Juan.
Hawak ng Thunder ang 10-point lead, 68-58, may 3:21 na lang sa fourth quarter pero naibaba ng Altas sa 68-66 mula sa tres nina Genmar Ylagan at Jeff Coronel 1:52 na lang sa orasan.
Kaya lang, hindi na nakapuntos ang Las Piñas-based dribblers samantalang tumarak ng 6-0 run ang Thunder, lahat ay galing kay Teng, para itakas ang panalo.
Nagtala si Gab Banal ng 16 points, 11 rebounds, at tig-two assists at steals para sa Flying V na naghahanda sa PBA D-League.
Sa bandang huli lang nakapuntos si Teng, nirehistro ang eight points.
Hindi gaanong nasiyahan si Flying V coach Eric Altamirano sa ipinakitang laro ng kanyang mga bataan dahil bukod sa naungusan sila ng 10 sa kaagahan ng laban ay muntik pang malusaw ang lamang sa dulo.
“The energy was not there today, siguro we need to work on that more.” wika ni Altamirano.
Kumana si Ylagan ng 14 points para sa Altas, may 11 si Flash Sadiwa.