Bagama’t nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order na ukol sa Freedom of Information (FOI), hindi pa rin kontento dito ang isang grupong nagsusulong ng nasabing panukalang batas.
Ayon sa FOI Youth Initiatives, kailangan pa rin magkaroon ng batas ukol dito upang maipatupad, hindi lamang sa hanay ng executive department ang pagbubukas ng lahat ng impormasyon sa publiko kundi sa lahat ng sangay ng gobyerno.
“While this is a very welcome development, we hope that this new Administration will continue to pursue the enactment of a complete Freedom of Information Law through legislation,” ayon sa grupo.
Kailangang masiguro umano na maidetalye ang maayos kung anong dokumento ang hindi dapat itago sa publiko ng lahat ng ahensya ng gobyerno at maisulat kung ano ang pananagutan ng mga hindi susunod dito.
Dahil dito, agad na nag-lobby ang grupo sa Kongreso para manawagan sa mga mambabatas na gumawa ng batas at hindi lang sa pamamagitan ng executive order.
Ikinatuwa naman ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang pagtupad ni Pangulong Duterte sa pangako nito subalit umaasa ito na maging hudyat na rin ang paglagda sa executive order upang pagtibayin ng Kongreso ang isang batas para sa FOI.
Samantala, susubukan agad ng mga estudyante ang FOI sa Commission on Higher Education (CHED) at sa mga may-ari ng mga eskuwelahan na taon-taon nagtataas ng tuition.
“The new EO will undoubtedly help us in our fight against exorbitant and redundant fees, and also shed light on our public school system’s use of public funds,” ani Kabataan party-list Rep. Sarah Elago dahil malimit aniyang itinatago ng CHED at ng mga may-ari ng eskuwelahan ang mga dokumento sa pagtataas ng tuition taon-taon.