FOI wala nang kawala

Ngayong hawak na ng isa sa mga miyembro ng militanteng grupo sa Kamara ang chairmanship sa House committee on information, sigurado nang maipapasa ang Freedom of Information (FOI) bill.

Sa press conference sinabi ni ACT Rep. Antonio Tinio, chairman ng nasabing komite na sa loob ng isang taon ay maaari nang maipasa ang FOI.

“Initially siguro ang realistic target eh within the year na maipasa natin ito. ‘Yan ang initial target,” pahayag ni Tinio na kasama sa naghain ng House Bill 334 o Genuine Freedom of Information bill.

Sinabi ng mambabatas na mas malaki ang pag-asa ng FOI bill ngayong 17th Congress dahil sinimulan na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng inilabas na Executive Order (EO) No.2.

Samantala, tiniyak ni Tinio na hindi isasama sa FOI bill ang Right to Reply Bill dahil hiwalay na panukala umano ito.