FOI website nag-data leak

Iniimbestigahan umano ngayon ng Malacañang gayundin ng National Privacy Commission ang mga ulat na nagkaroon ng data leak sa Freedom of Information (FOI) website kung saan lumalabas umano ang user ID ng mga nag-a-access dito.

Isa ang netizen na si Wilson Chua sa nagbunyag sa kanyang Facebook post kung paanong ang mga personal na impormasyon niya ay lumabas matapos lu­mabas online ang ID na kanyang ginamit para mag-access sa www.foi.gov.ph.
“They asked for personal details and MADE the attachment PUBLIC!!! According to what I know of the data privacy act, ‘You must protect what you collect’,” ayon kay Chua.

Naniniwala si Chua na baka hindi lang siya ang nadale ng data leak kundi lahat ng mga nag-access sa FOI website dahil kinakailangang magsumite ng personal ID para maka-access dito.

Nagsampa na umano ng reklamo sa National Privacy Commission (NPC) si Chua at maging sa pulisya hinggil sa nasabing insidente.

Ang FOI website ay bukas para sa lahat ng mga Pilipino na nais mag-request ng impormasyon na may kinalaman sa mga transaksyon at operasyon ng pamahalaan.