Umiiral pa ang Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon at ilang probinsiya dahil sa banta ng COVID-19 pandemic. Ibig sabihin, stay at home pa rin ang direktiba ng gobyerno. Bawal pa ring magpagala-gala sa labas.

Alam kong miss n’yo na ang mga favorite restaurant ninyo. Aba, mahigit isang buwan na kayong nakatengga sa bahay. For sure, naglalaway ka na sa favorite milktea mo. Pati ang Korean resto na halos linggu-linggo mong kinakainan, nawala rin sa paningin mo.

Di mo lang mapupuntahan ang paborito mong kainan. Pero puwede ka namang magpadeliver!

Frontliners din na maituturing ang mga rider ng delivery hailing apps na Lalamove, Grab at Food Panda. Mga unsung hero, ika nga. Sinusuong nila ang panganib makapaghatid lang ng serbisyo sa mga nangangailangan.

Very easy – in just a click, makakain mo ang kinasasabikan mong pagkain o inumin. Mag bu-book lang ang customer sa napiling food hailing app. Maraming food choices sa iba’t ibang restaurants.

Hinihikayat naman ng management ng mga delivery hailing app na kung maaari, cashless transaction para makaiwas sa banta ng COVID-19. Maaaring i-link ng mga customer ang kanilang mga debit o credit card bilang pambayad sa serbisyo ng mga motorcyle rider.

Kung cash payment, nagpaalala naman ang management ng delivery hailing apps sa kanilang riders na mag-alcohol bago, habang at pagkatapos ng delivery. I-observe ang social distancing at magsuot ng protective gears gaya ng face mask at riding gloves.

Kahanga-hanga ang sakripisyo ng mga delivery rider. Hindi nila alintana ang banta ng nakamamatay sakit makapaghatid lang ng serbisyo sa publiko.

Ang nakatataba pa ng puso, ilan sa kanila ang may sariling diskarte para makatulong din sa kapwa. Gaya na lang ng pizza delivery boy na si Raymond Papellero na nag-viral noong isang linggo dahil namakyaw ng tinapay sa isang bakery para ipamigay sa mga street dweller sa Quezon City.

‘Yan ang Pinoy. Astig ka, Raymond!