Magpapatupad si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ng “foolproof” o walang palyang security arrangements sa Muslim community sa Quiapo bilang paghahanda sa darating na Ramadan.

Ang hakbang ay ginawa ni Estrada, matapos ang tatlong magkakasunod na pagsabog sa Quiapo dahil sa umano’y “religious war” ng ilang grupo ng Muslim.

Nabatid na inatasan ni Estrada, ang Manila Police District (MPD) na paigtingin pa lalo ang seguridad sa Quiapo Golden Mosque at iba pang Islamic cultural centers sa lungsod.

“We will be implementing foolproof security arrangements to prevent a repeat of such incidents,” ayon kay Estrada. Tinutukoy niya ang tatlong ­pagsabog na naganap nitong Abril 28 at Mayo 6 sa Quiapo na kinamatay ng dalawang katao at pagkasugat ng 20 pa.

“With the assistance of our Muslim community and religious leaders, the public is assured of security during Ramadan, particularly our Muslim brothers and sisters,” pagtitiyak ni Estrada.

Kaugnay nito, nalaman kay MPD director Chief Supt. Joel Coronel na 425 pulis ang ipapakalat nila sa lungsod, karamihan sa Quiapo at sa Islamic Center.