Ipinakita kahapon sa mga mamamahayag ang CCTV footage ng Resorts World -Manila ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Oscar Albayalde, kung paano nakapasok sa loob at sa lobby ng resorts ang nag-iisang gunman.

Ipinakita sa footage ang pagpasok sa lobby ng RWM at pagbuhos ng gasolina sa carpet ng hotel.

Samantala, nakatakdang isailalim sa DNA testing at denture examination ang nasunog na katawan ng gunman.

Isasailalim din sa ballistic examination ang isang M4 assault rifle at isang cal. 380 na narekober mula sa salarin.

Magugunita na nitong Biyernes ay pinasok ng nag-iisang gunman ang RWM at nanunog ng tatlong casino tables at ilang slot machines dahilan para ma-suffocate ang mga guest at empleyado nito.

Tinangay nito ang nasa P113M casino chips sa dalawang room at umakyat sa itaas at pumasok sa isang kwarto ng katabing hotel at nagsunog sa sarili at nagbaril.

Sunog na sunog ang katawan ng suspek at halos hindi na ito makilala nang matagpuan ito.