Normal ngayong panahon ng kampanyahan ang siraan, pagkalkal ng mga nakaraan ng isang kandidato.
Pero kahit sabihin nating bahagi ito ng paninira, naniniwala akong importanteng malaman ng lahat o ng mga botante ang background ng isang kandidato upang matiyak na tama ang kanyang magiging desisyon sa gagawing pagboto.
Katulad na lamang ng isang kandidato sa pagka-bise alkalde sa Maynila na si Honey Lacuna na ipinangalandakan sa kanyang mga kampanya ang kanyang pagiging doktora at hepe ng Manila Boystown at Manila Youth Recreation and Action Center (RAC).
Kanya nga lamang sa kabila ng magandang background ay hindi malayo itong matabunan dahil sa ilang isyung nakabitin sa kanya kagaya ng pagkaladkad sa kanyang amang si dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna sa isyu ng ill-gotten wealth na pumapalo sa P24M.
Maliban diyan ay hindi rin maganda ang naging pamumuno nito sa Manila Boystown at Manila Youth Recreation and Action Center.
Dahil nakakabit sa pangalan ng opisyal ang naging karanasan ng batang si ‘Federico’ sa Manila RAC na payat na payat, buto’t balat at natutulog sa magaspang na baldosa na walang kahit na anong sapin. Si Honey ang noo’y hepe ng RAC.
Bukod kay Federico ay isa pang sanggol na lalaki rin ang namatay sa pangangalaga ng Boystown Complex ng Manila Department of Social Work (MDSW) sa Marikina City kung saan ay si Honey Lacuna rin ang hepe noon.
May insidente rin ng panggahasa sa isang 11-anyos na lalaki ng kasamahang 18-anyos na lalaki sa RAC, naging news blackout na itinago sa media at si Honey Lacuna rin ang hepe noon.
Ang pagtakas ng 11 mga kabataan sa Boystown dahil sa umano’y hindi matiis na trato sa kanila sa loob ng ahensya at reklamo ng mga pamilyang nasa kalye na dinala sa Boystown tungkol sa diumano’y pagtrato sa kanila at uri ng pagpapakain sa kanila na parang hayop ay nasa ilalim pa rin ni Honey ang pangangasiwa.
Kaya naman ganu’n na lamang ang pagdududa ng karamihan sa mga taga-Maynila sa kakayanan ni Honey na maging bise-alkalde dahil sa kwestiyonableng kakayahan nitong pamunuan ang ilang departamento, papaano pa kaya ang gagawin niya sa Maynila sakaling manalong Vice Mayor?