Sa kahabaan ng kampanyang ito, tila alamat ang kuwento ng katapangan ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Maaksyon ang mga kuwento. Nabuo sa isip ng marami sa kanyang tagasuporta ang pagiging barumbado ng aspirante. Nagamit niya ito nang husto upang kilalanin siya ng mga tagasuporta niya bilang tagapagligtas sa bansa nating laganap ang droga at krimen.
May mga kuwento pa nga noong 1989, na diumano’y ipinalit ni Digong ang sarili sa isang batang na-hostage para lamang mapalaya ang paslit. At kasunod nito, naganap ang madugong engkuwentro na kung baga sa pelikula, starring Digong Duterte. Itong katapangang ito ang makakatulong para resolbahin na ang suliranin sa Abu Sayyaf Group (ASG).
Ito na ang pinakatamang panahon para kay Mayor Duterte na itanghal ang kanyang marubdob na pagnanais para makapagligtas ng maraming buhay — mga hostage man sila ng mga rebeldeng komunista o ng mga teroristang grupo.
Tutal ay laging nangunguna si Duterte sa mga negosasyon upang palayain ang mga hostage. Kung napatunayan niya ito sa mga rebeldeng NPA, bakit hindi niya ito magagawa sa ASG?
Kasalukuyang nasa estado tayo ng pagkamuhi. Hindi lamang ang bansa natin ang nakaramdam ng galit na ito. Maging ang ibang bansa, lalo na ang Canada kung saan nakatira si mining executive John Ridsdel na brutal na pinatay at pinugutan ng Abu Sayyaf.
Naganap ang karumal-dumal na krimeng ito sa kabila ng counter-offer ng kanyang mga kaanak para sa ransom upang palayain siya. Pero walang nangyari. Limang oras lamang matapos ang palugit, natagpuan ang kanyang pugot na ulo sa isang kalye sa Jolo, Sulu noong Lunes.
Masakit ang pangyayaring iyon. Ngunit ang mas masakit ay ang naunang paglalabas ng pahayag ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau na kumukondena sa pagpugot bilang isang “cold-blooded murder”. Mas nauna pa sa pahayag ng ating sariling Pangulo ang Canadian Prime Minister.
Matagal nang tinik sa lalamunan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang teroristang grupo na nagkukuta sa Sulu at Basilan. Kasalukuyang hawak pa rin ng grupo ang isang Canadian, isang Norwegian at isang Pinay na kinidnap sa isang resort sa isla ng Samal, isang maikling tawid dagat mula sa Davao City kung saan pinuno ng napakatagal na panahon si Duterte.
Hindi na maikakaila pa na si Duterte, ang nag-iisang Mindanaoan sa mga kandidato sa pagkapangulo ng bansa, ay nagbibitbit ng kapayapaan, pagsugpo sa kriminalidad, kaunlaran at progreso bilang mga pangunahing plataporma niya sa pagtakbo, mga platapormang hindi naman detalyado kung paano isasagawa at makakamit.
Kaya, hindi ba magandang pagkakataon na simulan niyang totohanin ang agenda at plataporma niya sa pamamagitan ng paghahain sa kanyang sarili kapalit ng mga kinidnap ng ASG? Tutal naman, dati na raw niya itong ginagawa. Tutal naman uli, sinabi niya noong huling debate, magje-jetski siya patungo sa mga isla ng ating bansa ng kinakamkam ng Tsina. O kung hindi man niya maihain ang kanyang sarili kapalit ng mga hostage, bakit hindi niya igiya ang AFP sa pag-ubos sa mga teroristang grupo?
Kasi naman, madaling magbitaw ng salita. Lalo kung ang salita ay parang laging palaban, pangmaton. Hindi detalyado’t diplomatiko. Mga salitang binibitawan lagi ni Duterte. Kaya para patunayang hindi lamang siya puro satsat, sige na, sige nga, pangunahan na sana ni Digong ang paglipol sa ASG.