Paiimbestigahan ni Quezon City Rep. Winnie Castelo sa Kamara ang ini­ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may mga foreign terrorist ang kasamang napatay sa sugapaan ng government forces at Maute Group.

Ayon kay Castelo, nakakabahala ang bagay na ito at dapat lang na agad na maimbestigahan at idulog sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

“The government should consider the possibility of raising the issue with the ASEAN regional bloc particularly since some of its citizens were tagged in the Maute mayhem,” pahayag ni Castelo.

Ani Castelo, lumakas ang puwersa ng Maute Group sa Marawi dahil sa tulong ng mga foreign terrorist.

Una nang kinumpirma ni AFP Spokesman Restituto Padilla na sa 31 terrorists na napatay ay anim sa mga ito ay mga foreigner mula sa Malaysia at Indonesia.

Ang mga dayuhang ito umano ay nasa bansa na posibleng dumaan sa backdoor upang tumulong sa Maute Group sa paggawa ng bomba.