Binawi ng UAAP ang 11 panalo ng Adamson sa Season 79 juniors basketball nang matuklasang ineligible maglaro ang isa nilang player.
Hindi raw natugunan ni Encho Serrano ang ilang panuntunan ng liga.
“Mr. Serrano failed to submit Secondary Student’s Permanent Record that would show/indicate his complete high school enrollments/records/credentials,” saad ni Rodrigo Roque, chairman ng UAAP eligibility committee.
“With his ineligibility, all the games where Mr. Serrano played are therefore, forfeited, in accordance to the UAAP rules and regulations,”
Kapit ng Baby Falcons ang 11-1 bago lumabas ang desisyon.
Bago na-forfeit ang won-games, nakikipaghabulan ang Adamson sa reigning titlist National U sa unahan.
Solo na sa unahan ang Bullpups nang ilista ang 12-1 slate matapos lapain ang UP Integrated School 90-64 sa FilOil Flying V Centre sa San Juan kahapon.
Limang Bullpups ang umiskor ng double-digits sa pangunguna ng 15 ni Karl Peñano.
Pinagdiskitahan ng Adamson ang University of Santo Tomas, 92-58, para ilista ang unang panalo na wala si Serrano.
Dahil sa forfeiture, nagkaroon ng tsansa ang De La Salle-Zobel, UPIS at UST na makahablot ng upuan sa natitirang Final Four slot.
Mag-aagawan sa natitirang twice-to-beat bonus ang Far Eastern University-Diliman at Ateneo.