FOTON BIYAHENG FINALS

Sinikwat ng Foton ang unang tiket sa finals ng Philippine Superliga All-Filipino conference nang takasan ang RC Cola-Army 21-25, 25-19, 25-15, 25-21 sa Malolos Sports and Convention Center kagabi.

Muli ay binalikat nina rising stars EJ Laure at Cherry Rondina ang Tornadoes sa unang mga yugto­ ng laban, bago umeksena si 6-foot-5 Jaja Santiago nang magpakawala ng atake para isara ang panalo.

Haharapin ng Foton sa best-of-three championship showdown ang survivor sa isa pang semifinal pairing sa pagitan ng F2 Logistics at Petron sa Sabado sa FilOil Flying V Arena sa San Juan.

Naglista si Laure ng 21 points mula sa 18 kills at three blocks, tumapos si Santiago ng 17 at may 13 si Maika Ortiz. Nagsumite si Rondina ng 13 points.

“Army is such a strong team. Even if they’re ­depleted, they still gave us a good fight,” bulalas ni Tornadoes coach Villet Ponce-de Leon.

Ininda ng Lady Troopers ang pagkawala ng kamador at beteranang si Rachel Anne Daquis na may foot injury. Inako ni Jovelyn Gonzaga ang atake ng RC Cola-Army sa nilistang 20 kills at four blocks.

Sa unang game, kinalos ng Generika ang Amy’s 21-25, 25-17, 25-23, 25-14.

Hihintayin ng Lifesavers ang winner sa pagitan ng Cignal at Standard Insurance-Navy bukas para sagupain sa battle for 5th-6th ng inter-club tournament na suportado ng Klab Cyscorpions, Mueller, Mikasa, Asics at official broadcast partner TV5.

Pinangunahan ng 16 attacks, four blocks at ace tungo sa game-high 21 points ni Chloe Cortez ang Generika.