Mga laro ngayon (Alonte Sports Arena) 
11:30 am — Hong Kong vs. Vietnam
2:00 pm — Kazakhstan vs. Japan
4:30 pm — Iran vs. Thailand
6:30 pm — China vs. Malaysia

Sasampa pa rin ang Foton Pilipinas sa quarterfinals kahit natalo sa  Thongtin Lien Viet Post Bank-Vietnam 25-18, 19-25, 20-25, 25-12, 15-8 kahapon sa Pool A ng 2016 AVC Asian Women’s Club Cham­pionship sa Alonte Sports Arena sa Biñan.

Hawak ng Tornadoes ang 2-1 bentahe pero nabawasan ang puwersa nang magkaroon ng back spasm si American import Lindsay Stalzer.

Lumaban ng pukpukan ang Foton Pilipinas na ginabayan nina reinforcement Ariel Usher, guest player Jovelyn Gonzaga at Jaja Santiago kahit kulang sa armas pero kinapos sa set four at five kaya nalasap ang unang talo sa dalawang laro.

Tumikada si Usher ng 20 points kasama ang 15 spikes, nag-ambag sina Gonzaga at Santiago ng 16 at 13.

Ayon kay Italian coach Fabio Menta, na­ging matamlay ang laro ng Tornadoes sa fourth frame kaya nakabuwelo ang Vietnamese at nakuha ang panalo.

Umarangkada ang team captain ng Vietnam na si  Do Thi Minh ng 29 points mula sa 22 kills, five kill blocks at dala­wang service aces, may 13 si Tran Thi Thao at tumapos ng 12 markers si Tran Ton Nu Ly Ninh.

Naglista ang Vietna­mese ng 58 attack points at may 15 kill blocks.

Susunod na makakalaban ng Vietnam ang Hong Kong na winalis ng Foton Pilipinas noong Sabado.

Anuman ang maging resulta sa laban ng Vietnam at Hong Kong ay eentra ang Tornadoes sa susunod na phase.

Magiging No. 1 sa Pool A ang Vietnam sakaling manalo sa Hong Kong at No. 2 ang Foton Pilipinas.

Pero kapag natalo ang Vietnamese, hahawakan ng Tornadoes ang No. 1.