Hinugot ng Foton Pilipinas si Italian coach Fabio Menta para pagtimon sa Tornadoes sa pagsabak sa AVC Asian Women’s Club Championship sa Sept. 3-11 sa Alonte Sports Center sa Binan.
Itataas ni Menta, namuno sa bench ng national women’s volleyball team ng Cook Islands noong isang taon, ang antas ng laro ng Foton para mapaypayan ang tsansa ng Pilipinas na makuha ang target na semifinals stint sa torneo na sasabakan ng matitikas ding teams ng Asia.
Dumating si Menta noong isang linggo at agad inumpisahan ang trabaho.
Kasama na siya ng team na dadayo sa Sisaket, Thailand bukas para pumalo sa 2016 Select Tuna Thailand Volleyball Championship.
Sa Thai tourney na magsisimula sa susunod na linggo, naka-bracket ang Foton Pilipinas sa Group A kasama ng Bangkok Glass, Sisaket at Bangsit University.
“We’re looking at a fourth-place finish in the AVC,” wika ni Menta sa press briefing. “The team is a very good team.
It is a mix of enthusiasm and youth. I’m here to develop them into higher level of volleyball players to be able to play against strong teams like China, Japan and Thailand.”
Nasa briefing ang buong squad na babanderahan nina imports Ariel Usher at Lindsay Stalzer at si guest players Aby Marano, Jovelyn Gonzaga at Jen Reyes, at sina Foton president Rommel Sytin at team manager Jose Mari Angulo.