Mga laro ngayon (The Arena, San Juan)
3:00 p.m. — Petron vs. Foton
5:00 p.m. — Cocolife vs. Sta. Lucia
7:00 p.m. — Generika vs. Cignal

Pakay ng Foton na sumalo sa top spot ng team standings, pero magagawa lang ito kung tatalunin nila ngayong araw ang league-leader Petron sa Belo-Philippine Superliga Invitational Conference.

Nasa second spot ang Tornadoes sa 2-1 karta, sa first game sa The Arena sa San Juan ay mapapalaban sa bigating Blaze Spikers na may malinis na tatlong panalo.

“Kahit sino naman target ang top 3, naghanda kami sa tournament na ito dahil ‘yun din ang gusto namin mapuntahan, saka na namin iisipin ‘yung susunod, (championship round),” hayag ni 6-foot-2 middle blocker, Dindin Santiago-Manabat.

Galing sa two-game winning streak ang Foton, kinalos sa huling laro ang Generika-Ayala Lifesa­vers, 25-19, 25-16, 23-25, 26-24, noong Sabado sa Malolos, Bulacan.

Bukod kay Santiago, kakapitan ng Tornadoes sina three-time NCAA MVP Grethcel Soltones, Ivy Jisel Perez at Maika Ortiz.

Ipantatapat ng Petron sina Mika Reyes, Carmela Tunay at Aiza Pontillas.

Mag-uunahan naman sa panalo ang Cocolife at Sta. Lucia sa second game.

Wala pang panalo sa dalawang laro ang Lady Realtors, bokya sa tatlong salang ang Asset Managers.

Magkakaldagan sa main game ang Cignal (2-1) at Lifesavers (1-1).