Maagang umarangkada ang defending champion Foton at Petron nang sagasaan ang kani-kanyang katapat sa pagbubukas ng Philippine Superliga Grand Prix sa The Arena sa San Juan kahapon.
Bumida sina American imports Ariel Usher at Lindsay Stalzer para sa Tornadoes na hindi pinaporma ang F2 Logistics, 25-18, 25-20, 25-15. Nagpakitang gilas si Stephanie Niemer para sa Tri-Activ Spikers nang supilin ang Generika, 25-18, 25-23, 25-14.
Kumana si Usher ng 20 puntos, si Stalzer ay naglista ng 16 points, seven digs at six excellent receptions.
Nag-ambag si 6-foot-5 Jaja Santiago ng nine points sa Foton na may almost-perfect game nang mamigay lang ng siyam na puntos sa kalaban galing sa errors nito.
Pero sa kabila nito ay hindi pa rin daw 100 percent ang ipinakita ng Foton, ayon kay head coach Moro Branislav.
“This result 3-0 is okay but for my opinion this is not the maximum for my team, for my opinion this is only 50-60 percent of my team,” saad ng Serbian mentor.
Samantala, nagpakawala si Niemer ng 18 points para pangunahan ang Petron sa kampanya na muling mabawi ang korona.
Noong nakaraang taon ay nasilat sa championship ang Tri-Activ Spikers sa Foton.
“Happy kami sa nilaro ng team kasi nag-perform lahat. Hopefully, it continues because it’s a long league,” sabi ni Petron coach Shaq delos Santos.
Nag-ambag sina Ces Molina at Aiza Maizo-Pontillas ng tig-10 sa Petron.