Dadaan sa butas ng karayom ang Foton Pilipinas sa tindi ng mga players na ipaparada ng oposisyon sa AVC Asian Women’s Club Championship na papalo sa Sabado sa Alonte Sports Arena sa Binan.

Mga Olympians at national team players ang sasagupain ng Tornadoes ni Italian coach Fabio Menta sa Sept. 3-11.

Si Yan Xinyue, 19-anyos na middle blocker na kasama sa gold medal-winning team sa Rio Olympics, ang babandera sa Ba’yi Shenzheng ng China kasama sina Li Yanhan — ang open spi­ker na MVP ng Asian U23 Women’s Championship noong isang taon.

Ikakasa ng NEC Red Rockets (Japan) si Olympian middle blocker Ha­ruyo Shimamura, kasama si Sarina Koga, Best Sco­rer at MVP nang sikwatin ng Japan ang gold me­dal sa Asian Youth Girls Championship 2012.

Malakas din ang puwersa ng reigning Asian champion Bangkok Glass (Thailand).

Ang event ay inorganisa ng Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc., Philippine Superliga at Biñan City go­vernment sa pangunguna nina Congw. Len Alonte-Naguiat at Mayor Arman Dimaguila, at suportado ng SMM Sports, Nike, Senoh, Asics, Mikasa, Foton, BMW at Prince Waterhouse Cooper. TV5 at SMMTV-Thailand ang official TV partners, official hotel ng participating teams ang Crimson Hotel.

Sina American imports Ariel Usher at Lindsay Lohan ang gigiya sa Foton, kasama sina guest players Aby marano ng F2 Logistics, Jen Reyes ng Petron at Jovelyn Gonzaga ng RC Cola-Army. Babak-apan sila nina mainstays Jaja Santiago, Rhea Dimaculangan, Maika Ortiz, Patty Orendain, EJ Laure, Angeli Araneta, Bia General, Ivy Perez at Cherry Rondina.

Unang asignatura ng Tornadoes sa group stages ang Pocari Sweat (Hong Kong) at Thongtin Lienvietpost Bank (Vietnam).

Kung makakalu­sot, matotoka ang Pilipinas alinman sa NEC Red Rockets o Altay VC (Kazakhstan) na gigiyahan nina imports Olga Biryukova ng Russia, Vanya Varbanova ng Bulgaria at Yunieska Robles Batista ng Cuba.

“It’s a very dangerous field,” sambit ni Menta. “The job starts after the group stages when we play either Japan or Kazakhstan.”