Foton pinagsarhan ng China

Na-deny ang tangka ng Foton Pilipinas na umusad sa 2016 AVC Asian Women’s Club Championship nang gibain sa straight sets ng Ba’yi Shenzheng ng China 25-16, 25-18, 25-14 sa Alonte Sports Arena sa Binan, Laguna kahapon.

Lumaban ang Tornadoes pero hindi kinaya ang mas matataas na Chinese squad at tulu­yan nang napagsarhan ng pinto sa semifinals ng torneo na inorganisa ng Philippine Superliga, Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. at city government ng Biñan sa pangunguna ni Congw. Len Alonte.

Kinalos din ng NEC Red Rockets ng Japan ang T. Grand ng Chinese Taipei 25-6, 25-23, 25-13 para umusad sa final four ng torneo na suportado ng SMM Sport, Nike, Senoh, Asics, Mikasa, Foton, BMW, Rexona, PLDT at Price Waterhouse kasama ng Crimson Hotel bilang official residence.

Haharapin ng Japanese ang winner sa pagitan ng Bangkok Glass ng Thailand at Thongtin Lienvietpost Bank ng Vietnam. Toka ng Chinese ang survivor sa pagitan ng Altay VC ng Kazakhs­tan at Sarmayeh Bank ng Iran.

“We’re proud of how we fought,” pakli ni Foton Pilipinas import Lindsay Stalzer, ilang larong lumiban dahil sa back spasms. “China is a very disciplined team. Their basic skills are very flawless and we were lacking in that area. I’m just proud of the fight, unfortunately, we didn’t execute the game plan well.”

Tumapos ng team-high nine points si Stalzer mula sa eight kills at block, may seven si Jaja Santiago sa Foton Pilipinas.

Nagsumite si Liu Yanhan ng 16 kills at three blocks sa China, may 12 hits si Chen Yao.