Foton rarampa sa tuktok

Mga laro ngayon (FilOil Flying V Center)
2:30 p.m. – Amy’s vs. Generika
4:30 p.m. – Cignal vs. Navy
6:30 p.m. – Petron vs. Foton

Tatangkain ng Foton na sagasaan ang isa pang krusyal na panalo laban sa astig ding Petron sa second round ng 2016 Philippine Superliga All-Filipino Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juan mamaya.

Sakaling malusutan ang Tri-Activ Spikers, aakbayan ng Tornadoes ang idle F2 Logistics sa tuktok ng torneo na suportado ng Klab Cyscorpions, Mueller, Asics, Mikasa at official broadcast partner TV5.

Sa unang laro, sasagupain ng Generika ang Amy’s, susundan ng pakikihamok ng Standard Insurance-Navy sa Cignal.

Sariwa pa sa 18-25, 25-15, 25-17, 23-25, 15-9 panalo sa bigating RC Cola-Army noong Huwebes, tatangkaing walisin ng Foton ang natitira pang laro kontra Petron at F2 sa second round para sikwatin ang top seeding sa Group A.

Sa sudden-death semifinals, toka ng top team ang No. 4, No. 2 naman laban sa No. 3. Magtutuos ang survivors sa best-of-three finals umpisa sa Aug. 11.

“It’s still a very long way to go,” ani Tornadoes coach Villet Ponce-de Leon.

Gigil na sasabak ang Petron, naubusan at yumuko sa Cargo Movers 25-20, 23-25, 22-25, 25-18, 15-8 noon ding Huwebes.

“We simply ran out of gas,” deklarasyon ni Tri-Activ Spikers coach George Pascua sa huling talo. “Things get tough from here. Everybody is serious to win to gain a good spot in the semis.”