Sa ikatlong subok, tumikim din ng panalo ang Foton Pilipinas sa 2016 Select Tuna Thailand Volleyball League nang pagdiskitahan ang Rangsit University 25-23, 25-19, 25-20 sa Wi Sommai gym sa Sisaket Province.
Nagliyab sa opensa si American import Lindsay Stalzer sabay ng pag-ako ng iba pang Tornadoes sa trabaho sa depensa at pumasok sa win-column ang squad ni Italian coach Fabio Menta.
Nagpakawala si Stalzer ng 27 hits, nagsumite ang kapwa niya reinforcement na si Ariel Usher ng 14 markers – karamihan sa first two sets kaya nagawang ilabas ni Menta para bigyan ng exposure sina UST stars Cherry Rondina at EJ Laure.
Hindi na nakasingit ang kalaban, matikas na tinapos ng Foton ang panalo kahit nag-all-Filipino na sa third set si Menta kina Rondina, Laure, Rhea Dimaculangan, Patty Orendain, Aby Marano at Maika Ortiz. Naglista ng seven hits si Ortiz sa deciding set.
“I did give playing time to Laure and Rondina, our future stars, and I need to see them with the responsibility of winning a game with no ‘outside help,’” ani Menta.
Hindi masyadong ginamit ni Menta sina Stalzer at Usher para bigyan ng maximum exposure ang locals na babandera sa team sa Philippine Superliga Grand Prix sa October. Ginamit din ng Foton ang Thailand tourney bilang paghahanda sa AVC Asian Women’s Club Championship sa Sept. 3-11 sa Alonte Sports Center sa Binan.
“I wanted Filipino players to gain maximum international exposure,” paliwanag ni Menta. “So, for the first two sets, I played win one import at a time, Stalzer in the first and Usher in the second.”
Unang natisod ang Tornadoes sa PEA Sisaket, sunod sa Bangkok Glass at tinapos ang Group A sa 1-2. Ang top 2 teams mula Groups A at B ang aabante sa semifinals.
Sabado ng umaga ay haharapin ng Foton Pilipinas ang Kasetsart University.