Masusi ngayong iniimbestigahan ng pamunuan ng Quezon City Police District ang posibilidad na mayroong ‘foul play’ sa pagkamatay ng arkitektong nahulog sa elevator sa Cubao, Quezon City nitong Sabado nang gabi.
Maliban sa anggulong may ‘foul play’, sinabi ni QCPD Director Police Brigadier General Joselito Esquivel Jr., na iniimbestigahan na rin kung may pagkukulang o kapabayaan ang pamunuan ng gusali upang mapanagot sa pagkamatay ni Michael Hernaez Alfonso, 37, may asawa, nakatira sa room 211 Parc Condominium sa 15th Avenue, Brgy. San Roque, Cubao, Quezon City.
Si Alfonso ay magugunitang nasawi nang mahulog mula sa sa ikalawang palapag ng Cyberpark Tower na matatagpuan sa Gen. Aguinaldo Ave. corner Gen. Mc. Arthur, Araneta Center, Cubao.
Sa report, inakala umano ng biktima na pintuan ng comfort room ang kanyang nabuksan, ngunit ‘elevator shaft’ pala kaya ito nahulog mula sa ikalawang palapag at bumulusok sa ‘lower ground’ ng gusali.