Sa pag-deny ni Pasig­ Regional Trial Court Judge Elma Lingat ng temporary restraining order na hinihiling ni Association of Boxing ­Alliances in the Philippines­ president Ricky Vargas, tuloy ang Philippine Olympics­ Committee elections ngayong alas-dos ng hapon sa Wack Wack Golf and Country Club sa ­Mandaluyong.

Dismayadong tinanggap ni Vargas at kanyang spokesman na si Atty. Chito Salud ang desisyon ng korte kahapon kasabay sa paghahayag na tuloy pa rin ang laban nila para sa reporma at pagbabago­ sa POC na 12 taon nang pinamunuan ni Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr.

“The court’s denial of our application for restraining order is of course most disappoin­ting,” ani Salud, dating commissioner ng PBA. “It would have opened up much needed space and possibilities for a winning approach to this whole saga.”

Hiningi ni Vargas ang TRO matapos ­siyang ­i-disqualify ng POC election committee nina chairman Frank Elizalde at members Conrado Estrella III at Bernard Oca nu’ng Oktubre 26 dahil sa hindi pagtugon nito sa ‘active members’ ng by-laws.

Walang makakalaban, wala na ring makakapigil kay Cojuangco sa isa pang four-year term mula Jan. 1, 2017-Dec. 31, 2020.

Naiwang kakasa sa hindi kumpletong ticket ni Vargas sina Alfredo Alberto Benitez ng badminton sa first vice president, Lucas Managuelod­ ng muay sa second VP at Sonny Barrios ng basketball sa treasurer. Makakalaban nila ang mga alipores ni Cojuangco na sina Jose Romasanta ng karataedo, Antonio Tamayo, Jr. ng soft tennis at Julian Camacho ng wushu.