FPJ dinalaw ni Mayor Erap

Sa muling paggunita ng Araw ng mga Patay ay hindi kinalimutan ni Manila Mayor Joseph Estrada na dalawin ang puntod ng kanyang matalik na kaibigan na si Fernando Poe Jr. sa Manila North Cemetery.

Kahapon, binisita na ni Estrada ang puntod ni Da King kung saan nagsindi ang una ng kandila at nag-alay ng panalangin.

Ang puntod ni FPJ sa Manila North Cemetery ang isa sa pinakadinarayo o binibisita tuwing Undas ng mga tagahanga nito at ng mga libu-libong nagtutungo sa nasabing sementeryo.

Magugunitang Disyembre 14, 2004 nang pumanaw si Poe dahil sa stroke.

Kasabay nito, personal ding nag-inspeksyon si Estrada sa sementeryo upang malaman ang sitwasyon dito.

Ilang ipinagbabawal na kagamitan ang ipinakita kay Erap na tinangkang ipasok sa loob ng libingan.

Tiniyak naman ni Estrada na 24-oras nakatutok ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa loob at labas ng Manila North Cemetery upang matiyak ang kaligtasan ng mga magtutungo dito ngayong araw kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mas maraming nagtutungo sa sementeryo.