NI: ROLDAN CASTRO

Binibigyang paglilinaw ng GMA Network, Inc. ang usapin tungkol sa prangkisa nito matapos itong maiugnay sa kasalukuyang kalagayan ng kapwa broadcast network na ABS-CBN.

Dating kilala bilang Republic Broadcasting System, Inc., nakuha ng GMA Network ang orihinal nitong 25-year franchise sa pamamagitan ng Republic Act No. 7252 o “An Act Granting the Republic Broadcasting System, Inc. a Franchise to Construct, Install, Operate and Maintain Radio and Television Broadcasting Stations in the Philippines.”

Naisabatas ang nasabing Republic Act noong March 20, 1992 at naging epektibo noong May 12, 1992 – labinlimang (15) araw pagkatapos itong maipalabas sa Official Gazette noong April 27, 1992. Samakatuwid, valid ang nasabing prangkisa hanggang May 12, 2017.

Noong April 21, 2017 – 22 araw bago mag-expire ang orihinal na prangkisa ng Network – nilagdaan ni President Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 10925 o “An Act Renewing For Another Twenty-Five (25) Years The Franchise Granted To Republic Broadcasting System, Inc., Presently Known As GMA Network, Inc., Amending For The Purpose Republic Act No. 7252, Entitled An Act Granting The Republic Broadcasting System, Inc. a Franchise to Construct, Install, Operate and Maintain Radio and Television Broadcasting Stations in the Philippines.”

Nililinaw ng GMA na walang katotohanan ang mga ulat na nagsasabing patuloy itong nag-operate kahit nag-expire na ang franchise nito. Sa katunayan, na-renew ang prangkisa nito nang mas maaga pa sa naitalang expiry date.