Masaklap ang pagkatalo ng Adamson University na may tangan na twice-to-beat advantage sa 81st UAAP men’s basketball tournament semifinals.
Isang panalo lang ang kailangan ng Falcons at sasampa na sila sa championship round pero binigo sila ng karibal na University of the Philippines, 87-89, kahapon sa Game 2 na ginanap sa Araneta Coliseum.
Subalit taas-noo pa rin si Adamson head coach Franz Pumaren dahil lumaban nang sabayan ang kanyang mga bataan hanggang sa dulo ng bakbakan.
“They played with a lot of passion and I guess this one game is probably the best game that I’ve seen,” saad ni Pumaren.
Para kay Pumaren, hindi nagtatapos ang kanilang misyon kahit na natalo ay muli silang babalik upang ipakita na nasa tamang daan sila tungo sa inaasam na kampeonato.
“This is not the result that I wanted, It’s not the end of the road for us,” ani Pumaren. “Ipinakita nila ang kanilang maturity, ‘yung kagustuhan nilang manalo.”
Na-impress si Pumaren sa ipinakitang tikas ng kanyang rookie na si Jeron Lastimosa kaya naman inaasahang huhugutan ito ng puwersa sa susunod na season.
Halos maabot na ng Adamson ang pinapangarap na maglaro sa finals, lamang sila ng anim na puntos halos isang minuto na lang sa orasan sa overtime, subalit naging matatag ang Fighting Maroons sa dulo.
Si Jerrick Ahanmisi ang namuno sa opensa para sa Falcons, nagtala ito ng 20 points at talong rebounds habang 17 puntos, pitong rebounds at limang assists ang inambag ni Lastimosa.
Samantala, magtatapat sa best-of-three finals ang defending champion Ateneo at UP simula sa Sabado.