Free-Throw Shooting Contest sa All-Star Week

Sa larong basketball, ang free throw dapat ang isa sa mga pinakamadaling tira o paraan ng pag-syut. Medyo malayo ng kaunti para sa ilan — 15 feet ang layo sa ring — pero wala ka namang bantay at may sampung segundo ka para itira ito.

Sa NBA, ayon sa basketball-reference.com, ang average free throw shooting percentage ng players sa kasalukuyang 2019-20 season na nakasuspindi dahil sa Coronavirus disease 2019 ay 77.1%.

Halos tinabla nito ang pinakamataas sa kasaysayan ng NBA na 77.2% noong 2016-17 season nito.

Sa buong kasaysayan ng NBA, o mula noong nagsimula ang liga noong 1949, hindi bumaba sa 70% ang average free throw shooting clip ng players.

Sa PBA, ang average free throw shooting percentage ng mga player nitong nakaraang 2019 season ay 68.9%, katiting na mas mataas sa 68.6% ng season bago iyon.

Pinakamagaling sa 15-foot line sa mga PBA player sa nakaraang season, o at least sa mga nakasyut ng at least 50 FTs ay si Baser Amer ng Meralco sa kanyang 87.5% , o kabuuang 70 out of 80 sa 44 games na kanyang nilaro.

Pangalawa si LA Tenorio ng Brgy Ginebra (86.3%, 82 of 95) samantalang pangatlo naman si Paul Lee ng Magnolia (85.9%, 170 of 198).

Pero sa 16 sa nakaarang 17 seasons ng PBA ay laging mababa sa 70% ang average free throw shooting clip sa liga, ang tanging exception noong 2015-16 season kung saan bahagya itong tumaas sa 70.3%.

Nang magsimula ang PBA noong 1975, nasa 70.5% ang average. Tumaas ito sa mga sumunod na seasons, kabilang ang league record 80% noong 1992. At hindi bumaba sa 70% hanggang 2001.

Nitong huling 17 seasons na lang ito bumaba consistently at hindi na umabot sa 70%, kabilang na ang record na pinakamababang season average na 65.2% lang noong 2005-06.

Bakit medyo mababa ang FT shooting clip sa PBA? Siguro hindi na ito nabibigyan ng halaga sa mga ensayo ng teams. Medyo mahirap din ipraktis ang free throw sa ensayo dahil hindi naman ito aktuwal na laro at wala naman halos nanunuod na fans.

Mahirap gayahin kumbaga ang pressure sa aktuwal na laro lalo pa kung playoffs o finals o do-or-die ang laro at kailangan makasyut ng free throw.

Sa PBA at NBA, halos hindi rin nabibigyan ng halaga ang free throw bilang opensa di tulad ng three-point shooting at pag-dunk kung saan may Three-Point Shootout at Slam Dunk Contest nga lagi sa All-Star Week.

Tingin ko oras na para magkaroon ng Free-Throw Shooting Contest sa All-Star Week. Para naman mabigyan ito ng halaga. Isang player bawat koponan. Sampung free throw attempts bawat isa. Process of elimination lang hanggang may manalo. Ang pinakaconsistent player ang siguradong magkakampeon.

Ano sa tingin nyo, puwede kaya?