Tatlong taon na matapos mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 2, o ang Freedom of Information (FOI) program pero tila hindi ito naipatutupad nang maayos lalo na sa ilang ahensya ng gobyerno.
Isang halimbawa na lamang ang paghingi ng detalye kung magkano ang nagastos sa katatapos na biyahe ni Pangulong Rodrigo Duterte, kasama ang delegasyon nito sa limang araw na official visit sa Russia.
Mismong ang tagapagsalita ng Pangulo na si Presidential Spokesman Salvador Panelo ang tinanong kung may detalye siya o kung may impormasyon siya kung magkano ang naging gastos sa Russia trip ng Presidente pero sinagot nito na wala itong ideya.
Hindi naman siguro masamang malaman ng taumbayan kung magkano ang naging gastos lalo pa at kilala naman ang Presidente na mahigpit sa paggamit ng pera ng gobyerno.
Ang FOI na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong July 23, 2016 at ikalawa sa kanyang Executive Order (EO) ay saklaw ng lahat ng ahensya ng gobyerno sa ehekutibo.
Inaatasan ng EO sa pamamagitan ng FOI na isapubliko ang lahat ng public records, kontrata o transaksiyon at anomang impormasyon na hinihingi ng publiko, maliban na lamang kung makaapekto ito sa pambansang seguridad ng bansa.
Ang gastos ng isang opisyal ay hindi naman siguro masasabing banta sa pambansang seguridad .
Sa nakalipas na administrasyon ay agad na naglalabas noon ang Malacañang kung magkano ang nagastos sa foreign trips ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, sa sandaling makabalik ito sa bansa.
Pero sa panahong ito, tila wala akong matandaang naglabas ang administrasyon kung magkano ang nagastos sa bawat biyahe sa ibang bansa ng Presidente.
Interesado ang publiko na malaman kung magkano ang naging gastos sa ngalan ng prinsipyo ng transparency, dahil mismong si Pangulong Duterte ang nagsabi na transparent ang kanyang administrasyon.
Maraming beses namang bumiyahe si Pangulong Duterte sa ibang bansa pero hindi naglalabas ang Malacañang ng detalye o impormasyon kung magkano ang gastos sa bawat foreign trip nito.
Magkagayunman, umaasa ang sambayanan na masasagot ito kalaunan para malaman kung sinusunod ba ng mga opisyal ng Presidente ang utos nito na gamitin nang maayos ang pera ng gobyerno at hindi gumastos nang sobra -sobra sa kanilang pagsama sa abroad.