Ano na ang nangyari sa P2,580 ceiling na itinakda ng Department of Health (DOH) bilang cost ng pagpapa-medical para sa mga aplikante sa trabaho sa ibang bansa?
Naitanong natin iyan dahil up in arms ang mga aplikante sa Kuwait kaugnay ng P8,400 cost ng kanilang medical tests. That’s P8,400 per applicant ha.
Yes, that’s almost four times sa regulated amount na itinakda ng DOH. Ang tanong ay alam ba ito ng DOH at ano ang ginagawa nito para ituwid ang injustice na ito?
Monopoly
Agad pumasok sa isip natin ang kasabihang: “From the frying pan and into the fire.” Why?
Dati kasi ay kasama ang Kuwait sa gulf o Middle Eastern countries na gumagamit ng medical test services ng mala-cartel na GAMCA (GCC Accredited Medical Association) clinics.
Monopolized ng GAMCA ang medical tests ng OFWs para sa mga member countries nito tulad ng Saudi Arabia, UAE at Kuwait. Kahit DOH ay hindi ma-contest ang minsan ay dubious test results ng ilang GAMCA clinics.
Net effect
Pero ngayon ay may bagong group of clinics na ginagamit ang Kuwait na sinesertipikahan ng Winston Q8 Certification Solutions.
Ang net effect ng paglipat na ito ng Kuwait mula GAMCA tungo sa Winston Q8 ay lumaki ng apat na beses ang cost ng pagpapamedikal ng mga aplikante.
So, as if GAMCA is not bad enough, heto’t mas masama pa ang lagay ng applicants para sa Kuwait sa pagpasok sa eksena ng Winston Q8.
DOH dapat
Lilinawin natin ha, hindi tayo pabor sa GAMCA o sa Winston Q8. Para sa atin, kung may dapat magsertipika ng medical clinics sa bansa, iyan ay walang iba kundi ang DOH lang.
Eh pero beggars cannot be choosers, ‘ika nga. So, since tayo naman ang nangangailangan na mag-deploy ng OFWs, hindi naman natin ma-impose ang gusto natin sa ibang bansa.
Kahit sukang-suka na tayo sa GAMCA at ngayon ay sa Winston Q8 clinics, may magagawa ba tayo? It’s a take it or leave it proposition para sa mga aplikante natin.
Follow Me On Twitter @beeslist. At kung may ipinagsisintir, mag-email lang sa usapang_ofw@yahoo o tumawag sa 551-5163.