‘Frontliner’, mag-ama buking sa shabu

Tatlong katao kabilang ang isang dating drug detainee na nagpakilalang frontliner at kasama nitong mag-ama ang nadakip ng pulisya makaraang makumpiska sa kanilang pag-iingat ang 135 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P810,000 nang pahintuin ang sinasakyang kotse ng mga suspek sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) checkpoint sa Cagayan Valley Road sakop ng Barangay Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng pulisya, nakilala ang naarestong si Julius Francisco, 39; Andres Marcolita, 49, at kanyang anak na si Roy Aldrin Marcolita, 22.

Alas 7:45 Linggo ng gabi, nagsawa ng checkpoint ang operatiba ng Guiguinto Police nang kanilang parahin ang puting kotse na sinasakyan ng tatlong suspek kung saan kaagad nagbaba ng bintana si Francisco at nagpakilalang frontliner at ginagamit diumano ang sasakyan para sa pagde-deliver ng mga gamot. Pero nang hingan ng credential ay wala itong maipakitang dokumento.

Habang nagpapaliwanag ang suspek na si Francisco, nakilala siya ng isang operatiba na dati nang nakulong sa pagtutulak diumano ng iligal na droga at kalalaya lang noong 2019.

Nang pinalabas ito ng sasakyan ay pasimple itong nagtapon ng isang plastic sachet ng shabu na kaagad napansin ng awtoridad kaya pinalabas na din ang mag-amang drug suspect sa sasakyan at dito na natagpuan ang ibang droga.

Narekober ng awtoridad ang dalawang malaking pakete ng shabu sa mag-amang suspek na may bigat na 135 gramo kaya inaresto ang tatlong suspek.

Patong-Patong na kas ang kinakaharap ng mga suspek kabilang ang paglabag sa RA 11332 at RA 11469 o Bayanihan to heal as one Act at RA 9165 or Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Jun Borlongan)