Frontrow bawal mag-recruit

Walang advisory na inilalabas ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa Frontrow International, multi-level marke­ting (MLM) company na nagbebenta ng mga cosmetic product na ineendorso ng maraming celebrity.

Gayunpaman, sinabi ng SEC na walang lisensiya o permiso ang Frontrow para magbenta ng investment sa publiko at wala rin itong aplikasyon para magbenta ng investment.

Nilinaw na hindi rin ito awtorisadong mag-recruit at mangalap ng mga investor.

Rehistrado ang Frontrow sa SEC bilang isang korporasyon ngunit wala itong lisensiya para mag-alok ng investment.

Sa MLM, may kasamang binebentang produkto ang iba. Sa kaso ng Frontrow, nagbebenta ito ng mga produktong sinasabi nitong nakakapagpaputi ng balat.

Re­histrado sa Food and Drug Admi­nistration ang ilang mga produkto ng Frontrow Enterprise Phils Inc. gamit ang brand name na Frontrow.

Ayon sa SEC, ang palusot ng ibang mga MLM scheme ay produkto at hindi investment ang binebenta ng mga ito at ‘prevalent’ o kalat ito ngayon. Payo ng SEC sa mga tao na mamumuhunan na i-research muna ang mga kompanyang kanilang pupuhunanan at hindi sapat na rehistrado ito bilang korporasyon sa SEC.

Ang mga produkto nitong kasama sa binibigay ng nagla­lagay sa kanila ng pera ay ang: Luxxe White Soap; Luxxe White Reveal Dynamic Duo BB+CC Hybrid Stick; Berry Extract Her­bal Dietary Supplement Capsule; Luxxe White Reveal Instabright Body Crème SPF 25; Grapeseed Extract Oil Food Supplement Capsule.

May lisensiya ang Frontrow Enterprise Phils. Inc. na ang tanggapan ay nasa G/F Pacific Century Tower, 1472-1476 Quezon A­venue, Barangay South Triangle, Quezon City para magbenta ng mga produkto nito ngunit mag-e-expire na ang lisensiya nito sa FDA bilang distributor sa Marso 9, 2020.

May isa pang kompanyang rehistrado sa SEC na may permit sa FDA na mag-distribute ng mga Frontrow product: Versalife Innovations International Inc. na may tanggapan sa Unit 1202, Corporate 145 Bldg., 145 Mother Ignacia St., Barangay South Triangle, Quezon City. Ang lisensiya ng Versalife ay hanggang Agosto 1, 2020 naman.

Nagsimula ang pagkalkal sa kompanya nang ireklamo ito ni Dave Villanueva, dati nilang distributor sa programa ni Raffy Tulfo, at dito binunyag ang diumano’y pag-ipit sa kanyang kita at pagbawi sa mga hinuhulugang sasakyan.

Ang Frontrow ay pagmamay-ari nina Raymond Francisco at Samuel Verzosa Jr.

Sa nilabas nitong pahayag, inaayos na umano ang gusot kay Villanueva.

Pinigil na umano sila ng legal team para magsalita hinggil sa isyu. (Eileen Mencias)