Pinatitiyak ni Senador Sherwin Gatchalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 100% distribusyon ng fuel subsidy para sa mga public jeepney driver at operator.

Ito’y matapos kumpirmahin ng LTFRB na ang fuel subsidy sa ilalim ng Pantawid Pasada Program (PPP) ay tataas mula P5,000 noong 2018 at magi­ging P20,514 na nga­yong taon.
Sa ngayon, ayon kay Gatchalian, ay kalahati pa lamang o halos 87,000 sa kabuuang 173,000 benepisyaryo sa bansa ang nakatanggap ng kanilang fuel card nitong 2018.

“Now that the fuel subsidy for public uti­lity vehicles has been raised from PHP5,000 to PHP20,000, the Land Transportation Regulatory Board must ensure that all legitimate franchise holders would be able to get their vouchers­ on time,” ani Gatchalian.

“Kamakailan lamang ay narinig natin ang hinaing ng mga jeepney operators bungad ng sunod-sunod na oil price hike ngayong buwan. Huwag na sana hintayin ng LTFRB na maglunsad pa ang iba’t ibang transport groups ng mga malawakang transport strike bago sila kumilos,” sabi pa nito.

Ang PPP na inilunsad noong Hulyo 2018 ay isang mitigating measure sa epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo kasunod ng ipinataw na fuel excise tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law. (Anne Lorraine Gamo)