Hinirit ni Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre II ang full control sa Bureau of Correction (BuCor) na siyang nangangasiwa sa New Bilibid Prison (NBP) sa gitna ng problema ng ilegal na droga sa nasabing kulungan.

Sa budget hearing ng DOJ sa Mababang Kapulungan ng Kongreso hiniling nito sa mga mambabatas na isailalim sa kontrol ng kanyang tanggapan ang BuCor dahil sa ngayon aniya ay supervision lamang ang papel ng DOJ sa nasabing ahensya.

“We would like the control of BuCor be returned to the Department of Justice and Secretary of Justice. We have only supervisory powers,” ani Aguirre sa House committee on appropriations.

Ayon kay Aguirre, dahil limitado ang kapangyarihan ng DOJ sa BuCor, hindi nila maililipat ang isang preso sa ibang compound kaya nais nito na isailalim sa full control ng ahensya ang BuCor.

Agad namang nakakuha ng suporta ni Aguirre kay Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento para magkaroon na umano ng pagbabago sa nasabing kulungan at maresolba ang problema sa droga sa loob.