Fun run lilimitahan na

Sa layuning mabawasan ang trapik, maging ang mga ginagawang fun run sa ilang lansangan sa Metro Manila ay lilimitahan na.

Ito ang napagkasunduan ng mga Metro Manila Mayors na siyang bumubuo ng Metro Manila Council (MMC) na nagsisilbing policy making body ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, napagkasunduan ng MMC na limitahan na ang ginagawang fun run partikular sa bahagi ng Roxas Boulevard at ito’y papayagan na lamang dalawang beses sa loob ng isang buwan at sa tuwing araw lamang ng Linggo. Papayagan lamang ito hanggang alas-siyete ng umaga at sa iisang direksiyon lamang.

Paglilinaw pa rin ni Carlos, bago pa man bigyan ng permiso ang isang fun run ay kailangang mapatunayang ito’y may malinaw na layunin at adbokasiya at hindi para gamiting negosyo o pagkakakitaan ng isang organisasyon.