‘Funny-walaing’ official!!

spy-on-the-job-newbox rey marfil

Marami sa mga kababayan natin ang malamang napataas ang kilay sa isang opisyal ng pamahalaan na nagsasalita sa isyu ng West Philippines Sea dahil nagmimistula siyang tagapagsalita na rin ng China.

Hindi na natin babanggitin ang pangalan ng ‘funny-walaing’ opisyal dahil baka lalo pang dumami ang mga magalit sa kaniya at tuluyang malugas ang pangarap niya sa pulitika sa hinaharap kapag nagpalit na ng administrasyon.

Puna ng ating kurimaw, naging ‘funny’ ang pahayag ng opisyal dahil sa sobrang pagpapaniwala sa mga sinabi ng China, na walang tigil sa pagtatayo ng mga instruktura at militarisasyon sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine at South China Sea.

Sa nakaraang pagtitipon ng mga opisyal sa Association of Southeast Asian Nations na ginanap sa Pilipinas (dahil tayo ang punong-abala), may mga pumuna kung bakit hindi isinama sa opisyal na pahayag na inilibas ng ASEAN ang isyu sa mga pinaggagawa ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Paliwanag ng ‘funny-walaing’ opisyal, hindi na raw kailangan dahil tapos na at hindi na nagsasagawa ng reklamasyon ang China.

At pagdating naman daw sa mi­litarisasyon, karapatan naman daw ng mga bansa na gumawa ng hakbang para protektahan ang kanilang bansa.

Hindi lang naman ang Pilipinas sa mga bansang kasapi ng ASEAN ang nagrereklamo sa ginagawang rekla­masyon at militarisasyon ng China. Isa ang Vietnam sa mga nais na maglabas ng malakas na pahayag laban sa China.

Ang kaso, dahil nais ng gobyerno ngayon na ma­ging ‘BFF’ ang China, kinalimutan na nila ang paborableng desisyon sa atin ng arbitration panel ng UN.

Ang kaso, ilang araw matapos ang naturang paha­yag ng ‘funny-walaing’ opisyal, naglabas ng larawan ang Asia Maritime Transparency Initiative na tuloy ang ginagawang reklamasyon ng China sa ilang bahagi ng pinag-aagawang pa ring mga teritoryo.

Hindi na natuto sa taktika ng China na iba ang sinasabi sa publiko at ginagawa sa likod ng diplomasya.

Ang matindi pa nito, inalarma rin ng isang kong­resista kamakailan na may mga barko ng China na namataan na naglalagi sa lugar na ilang kilometro lang ang layo sa teritoryo ng Pilipinas na Pag-asa Island.

Pangamba ng kongresista, baka gumawa rin ng reklamasyon ang China sa lugar para kinalaunan ay maagaw rin sa atin ang Pag-asa Island.

Pero sa halip na sabihin ni ‘funny-walaing’ opisyal na aalamin nila ang sitwasyon at hihingi ng paliwanag, aba’y ikinatwiran niya na walang masama kung may dumadaan na mga barko ng China sa teritoryo natin dahil ginagawa rin naman daw ito ng US sa kanilang ‘freedom of navigation’. Bakit hindi raw ikabahala ang ginagawa ng US, dahil daw ba sa kaalyado ito ng Pilipinas?

Mukhang sa kagustuhan ng opisyal na huwag magalit ang China, nakalimutan yata niya na ang iba ang sitwasyon ng paglalakbay ng mga sasakyang pandagat ng China at US kapag naglalayag sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Paalala ng ating kurimaw, mga barkong pandigma ang gamit ng US sa paglalayag (kapag dumadaan lang ha) sa pinag-aagawang bahagi ng karagatan. Ito ay para protektahan ang kanilang interes na pangkalakalan.

Samantalang ang China, hindi dumadaan, naglalagi para mangangamkam ng teritoryo, naglalagay ng armas, agawan ng kabuhayan ang mga mangingisdang Pinoy at wasakin ang karagatan at mga yamang-dagat.

Laging tandaan: ‘Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.’ (Twitter: follow@dspyrey)