FVR kinampihan ni Trillanes

Sen. Antonio Trillanes

Kinampihan ni Senador Antonio Trillanes si ­dating Pangulo Fidel Ramos partikular ang pagbatikos nito sa pagdeklara ng Martial Law sa Mindanao ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Naniniwala ang senador na may kabuluhan ang mga sinasabi ng dating pangulo dahil naging pangulo ito ng bansa.

Hindi umano siya sang-ayon sa mga kumokontra o bumatikos kay Ramos dahil bukod sa pagiging dating pangulo ng bansa ay miyembro umano ito ng National Security Council (NSC) kaya’t mayroong halaga ang payo at sinasabi nito.

“I totally disagree doon sa mga komontra kay FVR (Fidel V. Ramos), unang-una si FVR being former president, member siya ng NSC kaya mayroon official value ‘yung kanyang mga advice,” ayon kay Trillanes.

Kailangan lamang umanong buhusan ng suporta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular pagdating sa intelligence operations at kagamitan nito at sa pamamagitan nito ay mareresolba at manunumbalik sa normal ang sitwasyon.