FVR pinalusot ni Alvarez sa P1K upa ng PHILEXPORT

speaker-pantaleon-alvarez

Inihayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi na iimbitahan si dating Pangulong Fidel V. Ramos sa isinasagawang congressional inquiry na may kinalaman sa isang libong pisong taunang lease contract sa pagitan ng Philippine Exporters Confe­deration, Inc. (PHILEXPORT) sa halos limang ektaryang lupain na matatagpuan sa panulukan ng Roxas Boulevard at Buendia Avenue sa Pasay City.

Inatasan ni Alvarez ang House Committee on Good Government na huwag ng paharapin si Ramos.

Hindi na magbibigay ng testimonya ang da­ting Pangulo sa kontro­bersya matapos banggitin ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone, isa sa mga naghain ng re­solusyon na hindi na kailangan pa ang presensiya ng dating pangulo.

“I think there is no need to invite FVR,” ani Evardone.

Sinabi naman ni 1-Ang Edukasyon Party-list Rep. Salvador Belaro Jr., co-author ng House Resolution 1188 na nagpapakalkal sa maano­malyang Philexport deal na “logical” ang hakbang ni Speaker Alvarez dahil ang executive order (EO) na inisyu ni Ramos ay “valid” at layon na patatagin ang export industry.

“What is at issue here is Philexport’s non-compliance to the provisions of the lease agreement. They failed to maximize the use of the land to make it profitable,” paliwanag ni Belaro.