Ga-buhok kay Morales, milya-milya kay Prado

Manipis na inunahan ni Jan Paul Morales si Ronald Oranza pagtawid sa finish, nakawala naman si Jermyn Prado para ariin ang Philippine National Cycling Championships for Road sa Subic at Bataan kahapon.

Tinalo ni Morales ang 95 na iba pang sumikad sa men’s elite race ng PhilCycling. Sinikwat nina Morales at Prado ang national champions jersey.

“Nahirapan ako sa panalo,” bulalas ni many-time national team member Morales matapos ibulsa ang P50,000 cash mula sa organizer na Pru Life UK, at all-expense paid trip sa Prudential Ride London sa July.

Parehong nagsumite ng tiyempong 3 hours, 42 minutes, 55 se­conds sina Morales at Oranza sa 137-km course na umahon sa makabali-tuhod na Dambana ng mga Bayani sa Mt. Samat sa Mariveles, Bataan.

Nag-uwi si Oranza ng P25,000. Sabay dumating sa finish sa Subic Bay Exhibition and Convention Center sina Felipe Marcelo at Jonel Carcueva para magsalo sa third ng karerang bahagi ng PRUride PH 2018.

Biyaheng London din sina Prado at Men Under 23 winner Ismael Gorospe.

Naorasan si Prado ng 3:26:00 sa 96.55-km women elite race, mahigit 2 minutes sa unahan ni second placer Chang Ting Ting ng Chinese Taipei. Higit 5 minutes pa sa likod si third placer Arianne Dormitorio.

Nadiskaril ang panalo ni two-time Asean mountain bike champion Dormitorio sa unang subok sa road discipline nang sumemplang dahil sa lakas ng hangin sa Subic.

Dumating sa likod ni Gorospe (3:45:40) sina Danielver Carinon at Ronillo Quita.