GA-BUHOK SA BOMBERS, ALL-THE-WAY SA PIRATES

Iniwan dito ni Teytey Teodoro (14) ng JRU si Sidney Onwubere (1) ng EAC at rumagasa sa basket. Ibinaon ni Teodoro ang game-winner na nagligtas sa Heavy Bombers sa manipis na 60-59 panalo sa NCAA 92 sa The Arena kahapon. (Jhay Jalbuna)

Mga laro ngayon (The Arena, San Juan)
12:00 noon — Letran vs. Perpetual (srs)
2:00 p.m. — Mapua vs. San Sebastian (srs)
4:00 p.m. — San Beda vs. Arellano (srs)

Unti-unti ng lumalabas ang bangis ng Lyceum of the Philippines Pirates matapos siluhin ang pangalawang sunod na panalo sa 92nd NCAA seniors basketball sa The Arena sa San Juan kahapon.

Pinoste ni rookie Adrian Alban ang career-high 21 points para akayin ang Pirates sa 75-58 panalo konta College of Saint Benilde Blazers.

Dalawang sunod na big game ang bina­natan ni Alban at nilista ng Lyceum ang 2-3 karta matapos lumasap ng tatlong sunod na kabiguan.

Kumayod si Alban ng 19 puntos sa unang panalo nila kontra JRU Heavy Bombers, 69-66.

“I just reminded them that the standing of Benilde is not a reflection of this team. Don’t fall into that trap that they are 0-5,” wika ni LPU coach Topex Robinson pagkatapos ng laro.

May 15 points at 22 rebounds si Mike Nzeuseu para sa Pirates, kumana si Wilson Baltazar ng 13 puntos.

Mula umpisa hanggang dulo ay hindi nagpaawat ang Pirates, umabot ng hanggang 20 ang abante at sa first quarter ay nilimitahan ang Blazers sa pitong puntos.

Umiskor si Christian Fajarito ng 13 points, may 13 markers at 11 ­rebounds si Yankie Haruna para sa Blazers na nabaon sa 0-6.

Sa unang laro, hindi pa rin nasiyahan si coach Vergel Meneses sa performance ng kanyang mga players kahit nanalo ang JRU sa Emilio Aguinaldo College, 60-59.

“I didn’t see any positive in this game and we’re way below the level of San Beda and Mapua,” saad ng da­ting PBA MVP na si Meneses.

Bumanat ng game-winning basket si Teytey Teodoro para itakas ang Heavy Bombers.

Tumapos si Teodoro ng 21 points para itulak sa 2-3 karta ang JRU.

Tumikada si Sidney Onwubere ng 18 points at 19 rebounds para sa EAC, nag-ambag si Hamadou Laminou ng 14 points, 14 rebounds at eight blocks.