Upang mapigil ang paggamit ng mga motorsiklo sa krimen, irerekomenda ng isang komite sa Senado ang pagkabit ng malaking plate number sa motorsiklo na halos kasinglaki ng plato.

Isiniwalat ni Sen. Richard Gordon na isa ito sa ire­rekomenda ng Senate committee on justice and human rights matapos ang imbestigasyon sa mga patayan sa bansa, ilan ay kagagawan ng riding-in-tandem.

Ayon kay Gordon, chairman ng komite, ang pag­lalagay ng malaking plate number sa likod at harap ng motorsiklo ang isa sa nakikita nilang paraan para matigil ang paglipana ng riding-in-tandem.

Sa nasabing panukala, kapag walang malaking plaka ang motorsiklo ay kanselado ng isang taon ang rehistro ng motorsiklo at kanselado rin ang lisensiya ng driver sa loob ng isang taon.

Bukod dito, ang lalabag ay pagbabayarin din ng multang mula P10,000 hanggang P 20,000.
Kukumpiskahin din ang motorsiklo o scooter hanggang sa maisyuhan sila ng malaking plate number.