Madami tayong inaantay mula noong magumpisa ang pandemyang Covid-19 at halos ang buong mundo ay tumigil at naglockdown. Ang bakuna ang isa sa pinakaaabangan nating lahat sa panahon na ito. Kasama din dito ay ang tunay na gamot laban sa napakanakakahawang sakit. Doon sa mga naging positibo, lalong lalo na sa mga nagkaroon ng mga matinding sintomas gaya ng pagikli at paghirap sa paghinga at panghihina, gamot ang hinahangad. Madami nang nagamit para gumaling ang mga ito gaya ng chloroquine na syang gamot laban sa malaria, ang nakakahawang karamdaman na dala ng lamok. Mainam na gumaganda at gumagaling ang ibang nabibigyan nito ngunit wala pang tunay na gamot laban sa Covid19. Higit sa lahat, ang bakuna panlaban para hindi magkaroon o mahawa nito ay pinagaaralan pa ng mga eksperto. Kahit ang sarili nating pangulo ay nagbibigay ng gantimpala sa Pilipinong makakabuo ng bakunang ito.
Ano nga ba ang bakuna at paano makakatulong ito sa pagbalik natin sa buhay na nakagawian. Ito ay isang paghahanda para sa kaligtasan mula sa particular na sakit. Tinuturuan nito ang immune system ng katawan na makilala at mapugsa ang isang karamdaman. May dalawang klaseng bakuna: ang inactivated at ang live attenuated, kaya may passive at active na proteksyon. Ang inactivated ay magbubuo ng proteksyon pagkalipas ng ilang panahon, ang live attenuated naman ay agad agad magbibigay ng proteksyon dahil ang nilalaman nito ay ang mismong sakit, na mas mahina nga lang upang hindi makaranas ng mga sintomas. Kaya lang hindi rin malayo na magkaroon ng kaunting kumplikasyon gaya ng lagnat, pamamaga o kirot ng lugar na binakunahan.
Tunay na inaasam natin ang bakunang ito dahil oras na magkaroon nito, mas makakakilos tayo ng maigi at mas makakahinga ng mabuti dahil may panangga na laban sa Covid19. Ngunit hindi ganoon kabilis magawa ito. Panahon din ang binibilang na walang kasiguruhan. Ilang buwan o ilang taon pa ang igugugol ng mga kinauukulan para magawa nila ito. Mapapaisip lang tayo kung minsan dahil alam naman nating lahat na namamatay ang Coronavirus sa sabon at tubig lamang. Kung kaya’t habang nagaantay tayo at inaasam ang proteksyon na maibibigay ng bakuna, panatiliin natin ang bagong normal na pamumuhay. Ang pagsuot ng mask (at mas mainam may salamin o face shield), pagdistansya sa mga ibang tao, paghugas ng kamay, at pagdidisimpekta (ng sarili, ng mga bagay bagay, at ng kapaligiran). Panatiliin nating tayo ay malakas at safe.
Hanggang sa susunod na Martes! Stay safe!
J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.