Gaballo sinorpresa si Young sa ‘UD’

Never heard. Hindi na ngayon!

May bago nang aaba­ngang bagong Pinoy boxing­ sensation sa katauhan ni Reymart Gaballo matapos gumawa ng ingay nang magwagi via unanimous decision laban sa Amerikano at liyamadong si Stephon Young para sikwatin ang WBA interim bantamweight title sa Seminole Hard Rock Hotel and Casino sa Hollywood, Florida.

Pinatikim ni Gaballo ng mabibigat na suntok si Young, at nakakuha ng 118-109, 117-110 at 117-110 mula sa tatlong judge, para sa korona.

“I am very happy to be a world champion. I kept my word and beat him. Thank God and thanks to my team,” ayon kay Gaballo, tubong-General Santos City.

Umangat sa 19-0 panalo-talo marka kaakibat ang 16 KOs ang Pinoy boxer at ipinalasap sa Kano ang unang mantsa sa kanyang marka, 17-1-3 kabilang ang 7KOs.

Ikatlong sagupa ito ni Gaballo sa Tate kasunod ng mga TKO victory laban kina Ernesto Guerrero at Ulises Rivero. (Ferdz Delos Santos)