BATA pa lang ang Kapuso Teen Princess na si Gabbi Garcia ay sinasabi na niya sa mommy niya na gusto niyang magkaroon ng debut party kapag nagdalaga siya.

Katwiran ni Gabbi, minsan lang ‘yon sa buhay ng isang girl kaya gusto niya ng big celebration sa 18th birthday niya.

At saka close siya sa friends and family niya, so gusto niyang magsama-sama ang mga ito sa importanteng araw niya na ‘yon.

Gabbi is turning 18 on December 2. Sa December 6 ang kanyang grand debut party sa Diplomatic Hall ng Marriott Hotel.

Pinili niya ang Tuesday para wala silang taping ng Encantadia. High fashion na minimalist ang theme ng party, na simple lang ang setup, sabi ng pretty debutante.

Si Mark Bumgarner ang gagawa ng dalawang gown na isusuot ni Gabbi, isang silver at isang green.

‘Yung pangatlong dress na isusuot niya sa afterparty ay gawa ni Martin Bautista.

Hindi sa ayaw ng escort ng birthday girl on that night, pero mas bet niya ipakita na kaya niyang tumayo sa sarili niya.

Wala siyang official escort na karaniwan sa traditional debut.

gabbi-ruru
GABBI AT RURU

Syempre ay part ng 18 Roses ang ka-loveteam niyang si Ruru Mad­rid, na pang-17 sa 18 Roses (first ang lolo ni Gabbi at last ang daddy nito).

Isa ang Kapamilya star na si Julia Barretto sa mga kasama sa 18 Candles dahil close sila nito at classmates sila before sa St. Paul’s.

Nag-confirm na pupunta si Julia.

Si Kathryn Bernardo na kaibigan din ni Gabbi ay inimbita niya rin, pero hindi pa ito sure kung makakarating dahil busy si Kath.

Ang birthday wish ng dalaga ay magpatuloy pa ang blessings, mas mag-bloom pa ang career niya at hindi mawala ang mga nagmamahal at sumusuporta sa kanya.

Happy si Gabbi at kuntento sa kung anong meron siya ngayon sa Kapuso network.

***

Inaamin ni Gabbi na special sa kanya si Ruru dahil 3 years na silang magkasama at magka-close.

Nang sabihin na­ming parang silang dalawa na, pero hindi pa official, ang sagot ng dalaga ay, “Hindi pa rin,” habang natatawa.

Kahit mag-18 na si Gabbi ay hindi pa rin siya puwedeng mag-boyfriend dahil bawal pa at a­yaw niya pa rin.

Pero love ng family niya si Ruru at ang sabi ng pamilya niya ay mabait ito, magalang, may respeto sa magulang at hindi mayabang.

Wala silang usapan na hindi sila puwedeng magsyota ng iba, pero wala rin talagang nanliligaw kay Gabbi.

Feeling niya ay matagal pa ang hihintayin ni Ruru dahil mag-i-18 pa lang siya. Ewan niya na lang daw kung maiinip ito.

May trust issues si Gabbi sa iba, pero sa showbiz ay sobrang kampante siya kay Ruru at nasasabi niya lahat sa binata.

Madalas silang magkasama, pero hindi pa sila lumabas na silang dalawa lang.

Lagi silang may kasama na handler o kaibigan.

Sey ng magandang Kapuso star, dapat ay trabahuhin ‘yon ni Ruru kung gusto nitong lumabas sila na silang dalawa lang.

Seksi-seksihan si Gabbi sa bikini pics na pinost niya sa Instagram na kuha recently sa Boracay.

Dayalog niya sa amin, beach kasi ‘yon at nasa family vacation siya, so okey lang na mag-bikini siya.

Pero hindi niya kering mag-sexy photo shoot. Wala sa image niya ang pa-sexy kahit pa sa Encantadia ay kita ang tiyan niya sa costume niya bilang Sang’gre Alena.

Aminado si Gabbi na medyo hindi siya biniyayaan ng malalaking dibdib, pero ayaw niya raw magpadagdag para lumaki ito.