Nalalagay sa malaking eskandalo ang aktor na si Gabby Concepcion matapos itong sampahan ng kasong falsification of public docu­ment ng nakababata niyang kapatid dahil sa umano’y maanomal­yang pagbili sa lote na pag-aari ng kanilang ina na si Ma. Lourdes Arellano Concepcion sa San Juan City.

Ayon kay Atty. Tyrone Cimafranca, abogado ni Miguel Concepcion, nakababatang kapatid ni Gabby (Gabriel Arellano Concepcion), nagsampa sila ng reklamo sa Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) dahil sa maanomalyang paglipat ng titulo ng nasabing 890 square meter na lote sa 3736 P. Guevarra St., Brgy.
Addition Hills sa nasabing lungsod sa pangalan ni Gabby na base sa papeles ay binili niya sa halagang P4.45 milyon.

Bukod sa murang pagkakabili ng lupa ay kinukuwestiyon din ni Miguel kung bakit nanotaryo ang deed of sale ng lupa habang nasa US ang kanilang ina.

“His mother was in the US and could not have signed the documents nor appeared infront of the notary public as stated in the acknowldgement page submitted to the Land Registration Authority (LRA),” paliwanag ni Atty. Cimafranca.

Ayon kay Miguel, nalaman lang umano niya ang transfer of ownership ng nasabing lupa sa kanilang panganay na kapatid dalawang­ buwan pa lang ang nakalipas matapos siyang bumalik ng Pilipinas galing ng Amerika.

Ilang beses din umano niyang sinubukang kausapin ang aktor subalit ipinagwawalang bahala umano nito ang kanyang mga tawag.