Ang dami naming iyak sa nostalgic and very touching na soldout anniversary concert ni Sharon Cuneta na “My 40 Years” sa Araneta Coliseum nu’ng Friday night.
Hitik sa magagandang musical numbers at bigating guests, busog sa puso at emosyon, at ang sarap magbalik-tanaw sa hindi matatawarang apat na dekada ng showbiz career ng nag-iisang Megastar.
In all fairness ay nasa perfect condition ang boses ni Mega nu’ng gabing ‘yon, na idinasal niya raw talaga para sa milestone event na ‘yon sa buhay niya.
Umpisa pa lang ay grabe na ang throwback feels dahil sa kanyang signature hits like “Bituing Walang Ningning”, “High School Life”, “Mr. DJ”, “To Love Again” at iba pa.
Sa dami ng hits ni Shawie ay sing-along party ang peg ng Big Dome at wagas ang trip down memory lane.
Ang panganay niyang si KC Concepcion na ‘most important thing that ever happened to her’ ang unang guest ni Sharon. Naiyak si Kace sa mashup duet nilang mag-ina ng “If I Could” ni Barbra Streisand at “Dear Heart”.
“Napakagandang bata. ‘Yan ang produkto ng ‘Dear Heart’,” sey ni Mega nang magpaalam si KC after their number.
Kapansin-pansin na dinedma sa buong concert ang ex-husband ni Sharon at ama ni KC na si Gabby Concepcion, kahit ang daming memorable movies na pinagtambalan ng Sharon-Gabby na naging iconic din ang theme songs.
Well, understandable ‘yon dahil hindi okey ang dalawa. Ang perfect na sana kung nanatiling maganda ang relasyon nila after nilang magsama sa McDo commercial, kaya lang ay hindi, so walang Gabby sa 40-year celebration ni Mega.
Nabuhay ang original Adrenalin Dancers ni Shawie from “The Sharon Cuneta Show” na karamihan ay lumipad pa mula sa iba’t ibang basa para lang mag-reunion sa concert ni Mega, na kumpleto pati backup singers niyang sina Olive, Tina at Agot Isidro.
Amazing ‘yung mga kuwento about Sharon sa “TSCS” na 11 years niyang ginawa kasabay ng pagpepelikula niya.
May number din siya with divas Zsa Zsa Padilla & Kuh Ledesma, concert royalties Martin Nievera & Gary Valenciano, and music icons na sina Basil Valdez at Rey Valera.
Ang ganda ng video soundbites ng mga direktor at iba pang mga nakatrabaho ni Sharon, na isa sa nagmarka sa amin ay take one siya kung mag-record ng kahit anong kanta at pambihira ang professionalism niya kaya tumagal siya nang gano’n.
Sa movie theme songs medley na kasama ni Sharon si Maestro Ryan Cayabyab ay naiyak kami sa part ng “Kung Kailangan Mo Ako” na leading man niya si Rudy Fernandez, tapos ay sinabi pa ni Mega na nami-miss niya si Daboy.
Siyempre, ang lakas ng hiyawan sa “Maging Sino Ka Man”, sayang at wala roon si Robin Padilla.
Ang tatlong dekada na niyang crush at kung tawagin niya ay ‘the other love of my life’ na si Christopher de Leon ay naka-duet niya ng “Sana’y Maghintay ang Walang Hanggan”.
Mega napatili kay Regine
Napatili si Sharon nang biglang sumulpot sa stage si Regine Velasquez na sinorpresa siya ng kantang “Friends” at touched na touched siya.
Sey ni Regine after nila kumanta, natutulala siya kay Mega dahil ngayon lang niya ito nakasama sa malaking stage na silang dalawa lang.
“Nado-Dorina (Pineda) ako. Gusto kitang sabitan ng sandamakmak na sampaguita, ‘yun ang feeling ko!” pakli ni Songbird.
Aminado si Reg na idol niya si Shawie at hanggang ngayon ay fan siya ng kanyang nag-iisang Megastar.
Pag-exit ni Regine ay nabanggit ni Sharon na naging closer siya recently kina Ogie at Regine.
“So Regine this year is God’s latest gift to me and next year, we have surprises for you,” ang makahulugang bulalas ni Mega.
May balitang magko-concert together sina Sharon-Regine sa 2019 at may tsika ring magiging coach si Songbird sa “The Voice” paglipat nito sa Kapamilya network.
Ang ganda nu’ng AVP na nagkuwento si Sharon kung paano siya nakabangon mula sa mga pagkalugmok niya sa kanyang career, sa personal na buhay at maging sa kanyang weight problem.
ShaChar matamis ang yakapan
Kinilig ang buong Araneta sa duet nila ni Richard Gomez ng sinulat niyang kanta na “Maybe Someday” at “Somewhere Down the Road” ni Barry Manilow, na theme song nila noong araw.
Ang tamis ng yakapan at besohan ng dalawa, na paalis na si Goma ay bumalik pa ito para muling yakapin nang mahigpit ang dating kasintahan.
Sa lakas ng hiyawan ng hindi magkamayaw na crowd ay nangangamoy big hit ang ShaChar reunion movie na “Three Words to Forever” sa November.
Na-senti at napaiyak si Mega nang magpasalamat siya sa kanyang loyal Sharonians na never nang-iwan sa kanya.
Buong ningning niyang kinuwento na flop ang huling concert niya sa Araneta with Martin Nievera at hindi siya makatungtong ulit doon dahil sa takot niya.
Kaya sa 40th anniv niya, araw-araw siyang nagtatanong kung kamusta ang benta ng tiket. Naiyak siya nang mag-soldout ito the day before the concert.
“Just one year ago, wala na pong pumapansin sa akin,” emosyonal na sambit ni Mega, na nagpasalamat sa Diyos dahil ngayon ay sunod-sunod na blessings ang dumarating sa kanya.
Ibang level talaga ang isang Sharon Cuneta at gaya ng classic song niyang “Pangarap na Bituin” ay maraming artista ang nangangarap na marating ang naabot niya, pero sadyang nag-iisa lang ang katulad niyang bituin!