Nagsisilbing energy booster ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte ang patuloy na pagtitiwala ng taumbayan sa liderato ng Pangulo.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na hindi nagsasawa ang administrasyon na gampanan ang tungkulin para mas mapabilis ang repormang gusto ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Andanar, nais ng Pangulo na agad na maramdaman ng taumbayan ang mga pagbabago sa bansa na pangunahing misyon ng administrasyon.
Kabilang dito ang mas maraming trabaho para sa mga Pilipino na isa sa mga pangunahing naging basehan ng very good satisfaction ratings ng administrasyon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations.
Sa latest survey ng SWS sa 1,200 respondents, nakuha ng Pangulo ang net satisfaction ratings na +64 o very good na ‘di hamak na mas mataas kumpara sa +55 ni dating Pangulong Noynoy Aquino, +19 ni dating Pangulong Gloria Arroyo, +29 ni dating Pangulong Joseph Estrada at +29 ni dating Pangulong Fidel Ramos sa kaparehong panahon ng panunungkulan.