Gahaman sa kita! Meralco nagtaas ng singil kahit pandemic

Binakbakan ni Bayan Muna party –list chairman Neri Colmenares ang Manila Electric Company (Meralco ) dahil sa pagtataas ng singil sa kuryente nitong Abril sa gitna ng COVID-19 pandemic

Giit ni Colmenares na hindi dapat patawan ng dagdag na singil ang mga Meralco customer dahil sa mababang generation charge para sa buwan ng Abril.

Naunang inanunsyo ng Meralco na magpapataw ito ng hanggang P8.9951 per kilowatt hour ( kWh) para sa billing statement ngayong Abril mula sa P8.8901/kWh noong Marso na sinasabi nilang dulot ng `normalization of the universal charge rate.’

Ayon kay Colmenares, walang rason ang kumpanyang pag-aari ni Manny V. Pangilinan na magpataw ng dadgag na P0.105/kWh sa April bill dahil mas tumaas pa ang net income ng kumpanya mula Enero hanggang Marso 2020 ng P5.7 bilyon.

Aniya, sa nasabing malaking kita ng Meralco ay maaari nang tablahin nito ang mga customer at huwag nang pahirapan pa sa dagdag pasanin sa mataas na bayarin sa kuryente lalo’t marami sa mamamayan ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.

“Meralco can afford to condone electricity rates on the people hard hit by the crisis. Kung bumaba ang binabayaran ng Meralco sa generation dahil sa force majeur, dapat may benepisyo dito ang taumbayan lalo na mga mahihirap,”sabi ni Colmenares.

Kailangan umanong imbestigahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang kumpanya ni Pangilinan dahil puro pakabig ang ginagawa kahit mababa ang generation charge ng elektrisidad.

“Meralco has billions more in capital and profit than these electric cooperatives but it does not have the heart for its consumers who have long been the source of its profits,” busa pa ni Colmenares.

“Dapat imbestigahan ng ERC kung naka benipisyo ang mga consumers sa pagbaba ng bayarin ng Meralco sa generation charge at bakit hindi bumaba singil sa consumers,” dagdag pa nito.

“It is quite ironic that the supposed small time electric cooperatives are the ones stepping up and are willing to waive the one-month electricity bill of the poorest or lifeline consumers,” pahayag ng mambabatas. “Kung hindi nagbabayad ng buo ang Meralco sa mga kontrata nya sa Gencos dahil sa COVID, bakit buo pa rin ang sisingilin nya sa consumers? Nagtaas pa sya ng singil nitong April,” lahad pa nito. (JC Cahinhinan)