Nasakote ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office-Regional Special Operations Unit (NCRPO-RSOU) sa isinagawang operasyon sa Binondo, Maynila ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na matagal na umanong pinaghahanap ng mga awtoridad dahil sa pagkakasangkot sa kidnapping ng 15 empleyado ng Golden Harvest Plantation sa Lantawan, Basilan noong 2001.
Kinilala ni NCRPO director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang suspek na si Sudais Asmad y Sali, 25-anyos, na gumagamit ng mga alyas na Sen, Abu Nas, Suhud at Jul.
Inaresto si Asmad sa bisa ng alias warrant of arrest na inisyu ni Judge Leo Jay Principe ng Regional Trial Court Branch 1, 9th Judicial Region sa Isabela, Basilan noong Enero 28, 2018 para sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention.
Inaresto siya ng mga pulis sa Elcano St., Binondo noong Biyernes nang gabi.
Nabatid na noong Hunyo 11, 2001 ay dinukot ng ASG ang 15 empleyado ng Golden Harvest Plantation at ginawang bihag mula Hunyo hanggang Oktubre 2001.
Positibong kinilala umano ng mga biktima si Asmad na kasama sa grupo ng mga dumukot sa kanila na pinamunuan ni Furuji Indama.
Nasa Maynila umano si Asmad para tumanggap ng financial support mula sa mga nakikisimpatiya sa kanila at para sa hindi pa mabatid na misyon nito.
Nasamsam sa kanya ang isang caliber .45 pistol Remington Rand INC, magazine at mga bala, dalawang student driver permit, Philhealth card, voter’s ID, Palawan Pawnshop ID, isang laminated NBI clearance, sling bag at leather brown na pitaka.
Nasa kustodiya siya ngayon ng NCRPO-RSOU at sinampahan na rin ng mga kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2013 sa Manila Prosecutor’s Office. (Juliet de Loza-Cudia)